jump to navigation

tignan ko lang kung kaya kong magsulat.. March 13, 2014

Posted by damdamn in damdam tulatula.
add a comment

feel mo ha!

pamamarisan ang itsura
parang estrada
na walang nangasiwa
bakubako
lubaklubak

ihalintulad man sa panahon
ikaw ang unos sa tag-araw
at alinsangan ng tag-ginaw
umido
mabanas

inais man tawanan
halakhakan ka ay mas matimyas
ngunit kinagabihan
nakakahindik
bangunot

huwaran ng halimuyak
ng kalachuching agnas
sa yagit na sisidlan
maanggo
mabantot

utang na loob
huwag ka ng mag-abala
na isiping ika’y kamangha-mangha
punyeta
tama na

*ito ay isinulat bilang pagsusubok lamang. pag paumanhin sa tatamaan.

di tugma, di tama (di sadya) March 13, 2014

Posted by damdamn in damdam tulatula.
add a comment
ang tulang walang tama
na parang pagmamahal
ko
sa iyong na wagas at dakila

swerte ang tumugma na salita
walang pinag-isipan
tulad ng di sadyang
naramdaman ng puso

walang pagaalinlangan
ang isip
at damdamin
sumugod ng walang pagsusubalit

kulang ang oras at sandali
parang itong talata
bitin na bitin

kung minsan napapalukso
ang damdamdaming tuliro
ang akalang totoo
na sa pangarap lang nabubuo

nababaliw sa kaiisip na
kulang-kulang mong pararila
ang utak kong bilasa
mga matang basa

teknikalidad di alintana
ng pagsusulat ng tula
mistulang puso kong ng sira
nagulo ng lang bigla

itong tulang padron
ng pagmamahal kong binaon
sa talisik ng damdamin
na di ka magiging akin

ngunit ako ay umaasa
na dumating ang isang umaga
sasambitin mong mga salita
mag niningning aking mata

at isang tula ang malilikha
na tama ang mga bilang at tanda
pagkakahimig ng mga salita
kusang lumalabas, binibiyaya

Hindi tama at alam mo iyan. ‘Wag ka ng mag maang-maangan. March 13, 2014

Posted by damdamn in damdam shareshare.
add a comment
Nariyan ka na naman sa iyong sulok
Hihikbi na pasaan at nagmumukmok

Nababakbak pa lamang ang nakaraang sugat at heto ka na naman may bago kang aabangan na maghilom. Maglalangib pa yan. Mangangati. Pero ipupusta ko sa iyo, bago dumating ang araw na magtutuklap yan ng kusa, may panibagong sugat ka na namang aabangang gumaling. Gaya ngayon.

Ang ingay mo kagabi. Sabi mo ayaw mo na. Ang tapang mo pa nga. Sumisigaw ka pa na ng “wala kang karapatan na gawin sa akin to”. Pero nung madaling araw, nag sawa ka sa kakaiyak. Ikaw din ang lumapit sa kanya. Ikaw pa umamo at humingi ng tawad.

Para saan at humingi ka ng paumanhin? Patas lang kung tutuusin, nalamangan ka pa nga e. siya, ayun parang wala lang. Ikaw, nalosyang. ‘Di ko makuha bakit ka nag titiis pa riyan sa ganyang sitwasyon. Sabi mo hirap ka na. E ano balak mo niyan? Magsilbi sa kanya at mag bulag-bulagan sa mga pangyayari, sa mga nangyari at sa kinatatakutan mong maaring mangyari.

Kulang ang concealer makeup na itatakip mo diyan. ‘Di ka na naman makaklabas ng bahay ng isang buwan. Magiisip ng bagong idadahilan; sa magulang, kaibigan. Ang husay mo ng magsinungaling para sya ay pagtakpan. Kung may pagalingan lang ng palusot, winner ka na, may award pa.

Mantakin mong lagi kang may handang yelo dahil alam kahit anong araw sya ay mangbabato. Puro latay na naman ang hita mo. Pati likuran mo bugbog sarado. Ang buhok mo nilagas sa kahihila. Nasabunutan ka dahil nag umasang tumakas sa kamay nya. Nagbukol ang inuntog na pader ang nakakita. Pero wala lang sa iyo, sanay ka na?

Sige magsuklay ka ng lagas-lagas mong buhok. Magmuni-muni ka. tatanungin mo sa sarili mo bakit nagkaganito? Tapos iisipin mo na maswerte ka pa nga may tumanggap sa iyo. Huwat?! Tanga ka ba o nag tatanga-tangahan lang? Kasi pakiwari ko baka hinahanap-hanap mo na iyan? Wag ka sana umabot sa puntong hinahanap-hanap mo na ang sakit sa katawan at mga hampasan.

Magkakatoyo ka nyan, sige ka. ‘Pag nakahanap sya ng iba iiwan ka na. iikutin nya ang mesa. Bibitbitin anak nyo at kakasuhan ka pa na hindi ka angkop maging ina. Kasi nabaliw, naloka.

Isipin mo sarili mo. Mahalin mo katawan na pinahiram. Hindi nga sa iyo yan, lalong hindi rin kanya para pasakitan. Babae ka, magpagalang ka naman. Hindi ka nasa mundo para parausan at hambalusin lang.

Sasabihin mo ngayon di naman laging ganito. may mga araw naman na sya ay normal, matino. May sumpong lang sya. Ulitin mo nga yang sinasabi mo. Tamang rason ba yan? Sa tingin mo yan ang gustong marinig na dahilan ng mga tunay na nagmamahal sa iyo? Alam mong di tama. Ikutin pa natin ng isa pang tatlong daan at anim na pung ikot ang mundo. Mali, mali, mali.

‘Wag mo akong sabihan na ‘di ko alam yan. Pinagdaanan ko sa dalawang yugto ng buhay ko at pilit na nililimot. Na nagmahal ako ng tatlong taong inakala ko.. Ah leche! Wag mo na lang tularan.

Hindi na ako naawa sa iyo kung tutuusin. Gusto ko na lang na manduhan ka ng dapat mong gawin. Bakit? Hindi ito ang unang beses. Naka-ilang tagpo na tayong ganito na nag uusap ng patago sa dinaraing mong sakit. Pati ako nag sasawa na at miss ko na ang iyong mga ngiting di ko na tanda kung kailan ang huli. Pero ‘di kita lulubayan na makita mo na hindi iyan ang nararapat. Magalit ka man sa akin at sa kakulitan ko at walang humpay na pag papaalala na babae ka at ina ng iyong anak. Paano ka igagalang ng mundo kung sarili mo di mo makuhang igalang? Mag ayos ka naman. Pumostura gaya ng dati. Magsaya ka sa iyong pagkababae. Pero di ko buhay yan. Sana man lang maisip mo na ikaw ang hari at reyna ng buhay mo. Hindi sya ang didikta at hindi rin ako.

Ang sarap ba ng lasa ng parang kalawang? Gaga, hindi yan ulam, dugo mo na yan. Mula sa putok mong labi ng masampal at humampas sa hamba ng pintuan. Ano pa ba hinihintay mo? Ikaw na ang paglamayan?

Hindi tama at alam mo iyan.
Huwag ka ng mag maang-maangan.

Maawa ka March 13, 2014

Posted by damdamn in damdam tulatula.
add a comment

Isang pagsusumamo
ng pusong dating tulog.
`Wag mo ng katukin
`Wag mo ng gambalain
kung `di lang din kayang
suklian ang alay.

Hayaan mo ng mamatay,
ng unti-unting dumahan-dahan.
Sumabay sa lubog ng araw,
ang pakiramdam,
na sana di na sumikat pa
sa bukas na walang pag-asa.

Tanawin mo na lang ako
habang nag lalakbay mag-isa.
‘Wag mo ng habulin pa,
ng paggulong ng luha
dahil hindi makakapawi
ang paghaplos ng hikbi.

‘Di na kayang maibsan
ang hapdi,
dahil sa iyong mga ngiti
ako’y napupunit.
nasasaktan
lalong nasasawi.

*Hindi mo na kailangan pang sabihin na ang emo ng entry na ito. Kung kilala mo ako, alam mo kung sino ang nagsulat. Hindi ako.