jump to navigation

tignan ko lang kung kaya kong magsulat.. March 13, 2014

Posted by damdamn in damdam tulatula.
add a comment

feel mo ha!

pamamarisan ang itsura
parang estrada
na walang nangasiwa
bakubako
lubaklubak

ihalintulad man sa panahon
ikaw ang unos sa tag-araw
at alinsangan ng tag-ginaw
umido
mabanas

inais man tawanan
halakhakan ka ay mas matimyas
ngunit kinagabihan
nakakahindik
bangunot

huwaran ng halimuyak
ng kalachuching agnas
sa yagit na sisidlan
maanggo
mabantot

utang na loob
huwag ka ng mag-abala
na isiping ika’y kamangha-mangha
punyeta
tama na

*ito ay isinulat bilang pagsusubok lamang. pag paumanhin sa tatamaan.

di tugma, di tama (di sadya) March 13, 2014

Posted by damdamn in damdam tulatula.
add a comment
ang tulang walang tama
na parang pagmamahal
ko
sa iyong na wagas at dakila

swerte ang tumugma na salita
walang pinag-isipan
tulad ng di sadyang
naramdaman ng puso

walang pagaalinlangan
ang isip
at damdamin
sumugod ng walang pagsusubalit

kulang ang oras at sandali
parang itong talata
bitin na bitin

kung minsan napapalukso
ang damdamdaming tuliro
ang akalang totoo
na sa pangarap lang nabubuo

nababaliw sa kaiisip na
kulang-kulang mong pararila
ang utak kong bilasa
mga matang basa

teknikalidad di alintana
ng pagsusulat ng tula
mistulang puso kong ng sira
nagulo ng lang bigla

itong tulang padron
ng pagmamahal kong binaon
sa talisik ng damdamin
na di ka magiging akin

ngunit ako ay umaasa
na dumating ang isang umaga
sasambitin mong mga salita
mag niningning aking mata

at isang tula ang malilikha
na tama ang mga bilang at tanda
pagkakahimig ng mga salita
kusang lumalabas, binibiyaya

Hindi tama at alam mo iyan. ‘Wag ka ng mag maang-maangan. March 13, 2014

Posted by damdamn in damdam shareshare.
add a comment
Nariyan ka na naman sa iyong sulok
Hihikbi na pasaan at nagmumukmok

Nababakbak pa lamang ang nakaraang sugat at heto ka na naman may bago kang aabangan na maghilom. Maglalangib pa yan. Mangangati. Pero ipupusta ko sa iyo, bago dumating ang araw na magtutuklap yan ng kusa, may panibagong sugat ka na namang aabangang gumaling. Gaya ngayon.

Ang ingay mo kagabi. Sabi mo ayaw mo na. Ang tapang mo pa nga. Sumisigaw ka pa na ng “wala kang karapatan na gawin sa akin to”. Pero nung madaling araw, nag sawa ka sa kakaiyak. Ikaw din ang lumapit sa kanya. Ikaw pa umamo at humingi ng tawad.

Para saan at humingi ka ng paumanhin? Patas lang kung tutuusin, nalamangan ka pa nga e. siya, ayun parang wala lang. Ikaw, nalosyang. ‘Di ko makuha bakit ka nag titiis pa riyan sa ganyang sitwasyon. Sabi mo hirap ka na. E ano balak mo niyan? Magsilbi sa kanya at mag bulag-bulagan sa mga pangyayari, sa mga nangyari at sa kinatatakutan mong maaring mangyari.

Kulang ang concealer makeup na itatakip mo diyan. ‘Di ka na naman makaklabas ng bahay ng isang buwan. Magiisip ng bagong idadahilan; sa magulang, kaibigan. Ang husay mo ng magsinungaling para sya ay pagtakpan. Kung may pagalingan lang ng palusot, winner ka na, may award pa.

Mantakin mong lagi kang may handang yelo dahil alam kahit anong araw sya ay mangbabato. Puro latay na naman ang hita mo. Pati likuran mo bugbog sarado. Ang buhok mo nilagas sa kahihila. Nasabunutan ka dahil nag umasang tumakas sa kamay nya. Nagbukol ang inuntog na pader ang nakakita. Pero wala lang sa iyo, sanay ka na?

Sige magsuklay ka ng lagas-lagas mong buhok. Magmuni-muni ka. tatanungin mo sa sarili mo bakit nagkaganito? Tapos iisipin mo na maswerte ka pa nga may tumanggap sa iyo. Huwat?! Tanga ka ba o nag tatanga-tangahan lang? Kasi pakiwari ko baka hinahanap-hanap mo na iyan? Wag ka sana umabot sa puntong hinahanap-hanap mo na ang sakit sa katawan at mga hampasan.

Magkakatoyo ka nyan, sige ka. ‘Pag nakahanap sya ng iba iiwan ka na. iikutin nya ang mesa. Bibitbitin anak nyo at kakasuhan ka pa na hindi ka angkop maging ina. Kasi nabaliw, naloka.

Isipin mo sarili mo. Mahalin mo katawan na pinahiram. Hindi nga sa iyo yan, lalong hindi rin kanya para pasakitan. Babae ka, magpagalang ka naman. Hindi ka nasa mundo para parausan at hambalusin lang.

Sasabihin mo ngayon di naman laging ganito. may mga araw naman na sya ay normal, matino. May sumpong lang sya. Ulitin mo nga yang sinasabi mo. Tamang rason ba yan? Sa tingin mo yan ang gustong marinig na dahilan ng mga tunay na nagmamahal sa iyo? Alam mong di tama. Ikutin pa natin ng isa pang tatlong daan at anim na pung ikot ang mundo. Mali, mali, mali.

‘Wag mo akong sabihan na ‘di ko alam yan. Pinagdaanan ko sa dalawang yugto ng buhay ko at pilit na nililimot. Na nagmahal ako ng tatlong┬átaong inakala ko.. Ah leche! Wag mo na lang tularan.

Hindi na ako naawa sa iyo kung tutuusin. Gusto ko na lang na manduhan ka ng dapat mong gawin. Bakit? Hindi ito ang unang beses. Naka-ilang tagpo na tayong ganito na nag uusap ng patago sa dinaraing mong sakit. Pati ako nag sasawa na at miss ko na ang iyong mga ngiting di ko na tanda kung kailan ang huli. Pero ‘di kita lulubayan na makita mo na hindi iyan ang nararapat. Magalit ka man sa akin at sa kakulitan ko at walang humpay na pag papaalala na babae ka at ina ng iyong anak. Paano ka igagalang ng mundo kung sarili mo di mo makuhang igalang? Mag ayos ka naman. Pumostura gaya ng dati. Magsaya ka sa iyong pagkababae. Pero di ko buhay yan. Sana man lang maisip mo na ikaw ang hari at reyna ng buhay mo. Hindi sya ang didikta at hindi rin ako.

Ang sarap ba ng lasa ng parang kalawang? Gaga, hindi yan ulam, dugo mo na yan. Mula sa putok mong labi ng masampal at humampas sa hamba ng pintuan. Ano pa ba hinihintay mo? Ikaw na ang paglamayan?

Hindi tama at alam mo iyan.
Huwag ka ng mag maang-maangan.

Maawa ka March 13, 2014

Posted by damdamn in damdam tulatula.
add a comment

Isang pagsusumamo
ng pusong dating tulog.
`Wag mo ng katukin
`Wag mo ng gambalain
kung `di lang din kayang
suklian ang alay.

Hayaan mo ng mamatay,
ng unti-unting dumahan-dahan.
Sumabay sa lubog ng araw,
ang pakiramdam,
na sana di na sumikat pa
sa bukas na walang pag-asa.

Tanawin mo na lang ako
habang nag lalakbay mag-isa.
‘Wag mo ng habulin pa,
ng paggulong ng luha
dahil hindi makakapawi
ang paghaplos ng hikbi.

‘Di na kayang maibsan
ang hapdi,
dahil sa iyong mga ngiti
ako’y napupunit.
nasasaktan
lalong nasasawi.

*Hindi mo na kailangan pang sabihin na ang emo ng entry na ito. Kung kilala mo ako, alam mo kung sino ang nagsulat. Hindi ako.

Bente May 1, 2012

Posted by damdamn in damdam shareshare, damdam sulatsulat.
add a comment

20 Things I want to say to Certain People but You Know You Never Will

Sali rin me!

Mula kay Cabron na mula kay Salbahe na mula sa kung kani-kanino pa.

Sa totoo, nahirapan ako. Bukod sa nakakatamad mag isip (kelan ba hindi), madalas naman kasi nassabi ko naman talaga sa kanila gusto kong sabihin kahit makasakit man ako (ehehe)

Pero, sige. OK game!

1. Hindi ko alam paano kita pasasalamatan. Maaring kulang pa ang ginagawa ko ngayon at maaring kapos pa ang mga efforts ko para sa inyo. Salamat, nabigyan natin ang mundo ng pagkakataon na maging ehemplo ng kung ano ang tunay na pagppatawad at pagsisimula. Hindi man tayo nagkasundo nun sa maraming bgay, pero sa lahat ng maling nagawa natin, ang maghiwalay ang pinaka tamang naging desisyon.

2. Pinatawad na kita.

3. Wag mong isipin sana na dahil di na ako masyadong nagkikibo ay dahil naiintindihan kita. Kaya ako walang kibo kasi sawa na ako sa paliwanag mong walang sense.

4. Hindi ako kailan man magiging perpekto. Lalong hindi kailan man ay maibibigay ko ang lahat sa iyo. Pero ang sisiguraduhin ko, magiging makulay ang buhay nating dalawa hanggat nabubuhay pa ako.

5. Salamat. Kung di ka nagkaganun, hindi ako magkakaganito.

6. Hindi mo man sinunod lahat ng sinabi ko, pero yung pinakaimportante ang ginawa mo. Salamat.

7. Sinadya kong suwayin ka, para pamukha sa iyong mali ka at para anihin ng iba yung itinanim kong pag asa.

8. Wala akong plano. Hindi kita inaasahan, kaya di ko alam gagawin ko sa iyo. Wala akong “balak” lalong walang “siguro”. Ang tiyak ako ay “bahala na”

9. Kung kunwaring magkasunog, at naipit ka sa loob at di makalabas, malamang papanoorin lang kita mag panic habang ako kumakain ng popcorn at humihigop ng coke na maginaw sa may kabilang sidewalk.

10. Itigil mo na yan. Kasal ka.

11. Itigil mo na yan. Hindi naman kayo kasal.

12. Mahal mo ba? E ikaw mahal ka ba nya? Ng higit dun sa isa? WEH?! Di nga?! Sampol nga!

13. Salamat at ako’y natauhan. Hindi pala kita minahal, na challenge lang pala ako.

14. Alam ko yang style na yan. Ipapaalam mo sa lahat kung gaano ka kabuting nilalang para purihin ka ng mundo. Ang hindi mo nalalaman, yang mga pinag gagawa mo, dapat lang naman e at walang kapuri-puri dyan. Kaya natutuwa ang ibang tao sa ginagawa mo ay dahil di sila makapaniwala na magagawa mong maging tuwid.

15. Astig ka rin e, ikaw na nangloko at nangtwotime nun, ikaw pa nagsusumiksikan ngayon tapos ako pa sisihin mo sa sitwasyon? Alam natin kung sino ang unang nagkasala at hindi ako ayun.

16. Mabubuting tao naman yung mga kapatid mo, bakit ikaw mapagsamantala? Ampon ka ba o tulog ka lang nung pinapangaralan yung mga utol mo nun?

17. Kinasal ka lang, ang dami mo ng alam sa buhay?! Hanep!

18. Sa totoo lang, hindi paligsahan kung si nanay o si tatay ang mas magaling. Hindi laro ang pagpapalaki ng anak. Walang tanghalang magaganap para sa kampeon ng pahusayan maging magulang.

19. Sa susunod kung makikipag sabayan ka, siguraduhin mong kaya mo. Wag kang pikon at mag tatawag ka pa ng ibang kakampi. Kasi asahan mo, pag tatawanan ka lang namin, pag nakatalikod ka na.

20. Salamat sa paninira mo. Pinagtibay mo lang ako lalo at mas nalaman ko kung sino talaga ang tunay kong mga kaibigan at totoong nagmamalasakit sa akin.

good ‘ol days September 7, 2011

Posted by damdamn in damdam isip-isip, damdam shareshare, damdam sulatsulat, damdam tulatula.
2 comments

Kung tumanda man tayong magkalayo
at di kita makasama
sa bawat yugto,
ng mga saglit ng surpresa
at mahahabang minutong
pinalilipas ng mga luha.

Ang mga pinagsamahang
kahapon lang ay isang dekada na
ang tinagal,
at mga pagbabagong
ginusto at pinagpilitang tanggapin
ng utak at damdamin.

Naririto at nariyan pa rin.
Patuloy mangungulit
at ngingiti sa bawat
ala-alang mapait at malambing
magbago man ang istilo
at saliw ng oras

Asahan mong ‘di lilimutin.
Naghihintay
na isang gabing
kahit sa panaginip,
makasamang muli.
Good times, pre..

Good times..

hinto February 3, 2011

Posted by damdamn in damdam tulatula.
2 comments

Huwag mo akong sandalan.
Ako man ay may pasan.
Dahil aking bitbit,
ang lungkot mong magturan.

Huwag kang magtiwala,
sa delentera at patsada.
Kapanglawan kong kinikimkim,
inililingid ng ngiting namamasdan.

Huwag sana dalangin,
ang lamig na lulusawin,
ng init na nasimot,
mga dalita ang hilahil.

Huwag mo akong aliwin,
ng talumpating ipapangako.
Mga pagtangis na saksi,
bigong panatang puta-putaki.

Lumubay, tumahan, wakasan,
sawayin, lubayan, bawalan
pigilan, harangan.
Itigil na natin itong kahibangan.

 

bad vibes February 19, 2010

Posted by damdamn in damdam sulatsulat, damdam tulatula.
2 comments

bukas makalawa
uulan
kahit hitik sa sinag ng araw
ang liwanag ng tanghaling
mabangong aspaltong tuyot
at pawisan sa tagtag
ng mapaglarong tadhana

paghandaan
ang ulan
baka daw sa tuwa ng nagkakampayang ibon
biglang bumagsak ang langit
at di mo alam kung saan sisilong
bitbit ang kahapon ng ligayang pahiram
ma gusto mo na lang angkinin

ingatan daw ngayon
ng kung anong meron at wala
isang buhos na matinding bagsak
ang dulot ng susunod na hinagpis
at baka maniwalang katapusan
ang mga susunod na pangyayari

pag bale wala ng ambon
o kaya ng hampas ng alon
ay hindi katanggap tanggap
kahit pag tingala ay may mga bitwin
at pag tungo mo ay bumabaha
na nag mumula sa emosyong
ayaw mong tanggapin

ang nagbabagang apoy
ay maaring lumapnos
na tutusta sa iyong pagkataong
at kahit anong ihip
hindi daw titigil ang pagsaliw
ng lagablab ng bawat init
at masusunog ang lahat

lilindol
yayanig sa katatotohan
at babasag ng gara-garapong
katotoohanang itinago
babagsak ang nasa ibaba
at mababon sa limot
ang pinundar na pangarap

mamamalat ka
sa kasisigaw ng saklolo
mabibigi sa sabay-sabay na bulong
ng konsensyang di tiyak
at walang katotoohanan
ang dilim ay pagkabulag
ng pinikit mong mga mata

hindi ka sasaya
wala daw totoong ligaya
at lahat daw ng tawa ay pansamantala
luha raw ang kasunod
at pait ng bawat kilos
ay makakasanayan sa bawat minuto
pero…

we’no ngayon
pag hahandaan ko ang unos
lulusong sa baha
marating ko lang
ang sinasabing kabalintunaang ligaya
kahit sa pangarap
tayo ay naging isa.

akala mo lang February 6, 2010

Posted by damdamn in damdam isip-isip, damdam sulatsulat, damdam tulatula.
1 comment so far

kahapon,
sinubukan kont timbangin ang lahat ng makita ko
inabot ako ng apat na oras sa pagtitimbang
alin ang magaan?
ano ang mas mabigat?
pag katapos kong manimbang
wala ako talagang natutunan talaga
weh ano naman kung alam ko bigat nya
nanimbang lang ako
nag sayang ng oras.

nung isang araw,
sinubukan kong ilagay ang lahat sa dalawang hanay
ano ang maganda sa pangit
alin ang mas magandang tignan
sa nakakabulag ng mata
hindi ko na lang tinuloy ng matagal
dahil hawak ko ang isang unan
na dati kong akap ng wala pa sya
at dati ko ring akap ng naroon na sya
at dati ring tagasalo ng luha ng wala na ulit sya
di ko alam kung sa maganda o pangit ko sya ilalagay

nung nakaraang linggo,
paulit ulit kong pinatugtog ang iisang kanta
pinag iisipan
kung isa ba itong ingay o musika
wala akong naintindihan
kahit nababasa ng utak ko ang mga linya
kahit umiindayog ako
hindi ko pa rin matutunan mahalin ang kanta
wala akong konklusyon
sa mga nota na pinagsamasama

kung anong tama
at alin wag gagawin
kung alin ang masarap
sa dapat wag ng isusubo
ang mabaho sa masangsang
ang kumportable
sa nakakairita
hindi ako ang mag didikta
at lalong hindi rin ikaw ang magsasabi ng alin
ang sa alin
sa kung ano ang totoo at sa sinungaling

hindi tayo, hindi rin sila.
hindi rin ngayon, o hindi kailan man magiging bukas.
walang ata, walang daw, walang sigurado.
wala lang lahat ng ito.
ang kasiyahan mo ay hindi ko kasiyahan
ang minamahal ko ay di mo minamahal
at ang gamot na iniinom mo
ay hindi lunas sa sakit ng kung sino
ang impotanteng yan ay hindi talaga importante

akala mo lang
dahil bukas, makalawa
iba na naman.

sa “pagtanda” ko February 1, 2010

Posted by damdamn in damdam sulatsulat, damdam tulatula.
4 comments

Para akong batang nangangarap.
“pag laki ko gusto ko maging iyo”
Tapos
“ikaw akin lang”.
Kukulayan ko ang damit
sa coloring book
ng paborito mong kulay.
Magaaral akong mag guitara,
at pag di na ako sintunado,
haharanahin kita.
Magiging doktor ako,
pag nagkasakit ka.
Ako abugado mo,
pag may nang-away sa iyo.
Arkitekto at inhinyero
ng dream house natin.
At sabay nating pipinturahan
ang pader ng gagawin nating kwarto.
Magiging yaya ng mga anak natin
at driver mo tuwing mag gogrocery.
Yung farmville mo aayusin ko
pero di ko gagaliwn inbox ng facebook.
PRAMIS.
Pagaaralan kong magbasketball
para makalaro ko mga kuya mo.
Magshoshopping tayo.
sasabihin kung bagay nga ba sa iyo.
Di kita aasarin sa tigyawat mo,
pag magkakaroon ka na.
at di ko sasabayan ang pagtataray
pagdumating na ang bisita.

Para akong batang nangagarap.
At gagawin ko lahat.
Para pag tanda sana natin,
ikaw ang unang mukha sa umaga,
at ikaw ang huli kong halik sa gabi.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.