jump to navigation

ang umiiwas sa pagtutumalinhaga June 18, 2009

Posted by damdamn in damdam isip-isip, damdam sulatsulat.
2 comments

may taong mas nais harapin kung ano lang ang tanaw ng na maabot ng kanyang mata. ang kaya lang ay punahin ang kung anong kayang maabot ng isip at pag hindi na nya masaklaw ang paliwanag na mas hihigit sa kanyang pang uunawa ay pilit na lalagyan ng tuldok at hangganan ang kung saan ay doon lang ang naabot. isasara ang isipan at magkukubli sa isang rason na patitibayin na dapat yun lang ang tama; walang labis, walang kulang.

hindi ko masisi ang mga ganyang tao. kung hanggang dalawang hakbang paabante lang ang kaya nilang lakarin at wala ng iuusad pa ang kanilang kakarampot na pag rarason. kung mas nais nilang magtago sa likod ng mga dahilan na panahon na ang gumasgas na sa katunayan e dumedepende sa sitwasyon naman talaga ang tamang sagot.

lahat tayo may pagkiling sa lahat ng ginagawa nating pagsang-ayon; maaring kaibigan mo kasi kaya ka napa-oo, maaring pareho kasi kayo ng pinagdaanan, o maaring nakikisimpatya ka lang dahil wala ka naman talagang alam at nakikisawsaw ka lang at gusto mo lang makidagdag sa pagiingay. lahat tayo lumilihis sa prinsipyo sa isang punto ng tadhana ng buhay dahil madalas kung minsan ang pagiging radikal ay mahirap pangatawanan at ang mayorya ay kayang umapak at sumira ng prinsipyo ng ganun-ganun lamang.

subukan mong mag kwento ng walang binibigay na pangalan. mag tanong ka sa iyong kaibigan kung ano ang gagawin nya at ano ang sa palagay nya ang tama. isang tanong na may kinalaman ang moralidad o pag ibig. pag katapos ay ulitin mo ang tanong at sa pag kakataong ito, lagyan mo ng pangalan. ikaw na ang humusga kung ano ang mga susunod nyang sasabihin.

walang siguradong mali, at lalong walang siguradong tama. ang mali ngayon maaring tama na bukas at ang akala mong tama ngayon ay maari mong pagsisihan sa hinaharap. ang tanging ikakapanalo mo lang ay kung ang pinang hahawakan mong dahilan sa simula pa lamang ay nagmula mismo sa iyo at hindi idinikta ng lipunan, ng kung sino mang pilosopo na iniidolo mo o nang sabay sabay na indak ng mga kasama mong iniisip mong dumadamay.

kung lumalakas ka dahil sa pagsang-ayon ng iba, mahusay. ang tanong papaano kung katamaran na nila ang pag sang-ayon sa iyo? kakayanin mo pa rin bang panindigan ang pinag lalaban mo? sapat ba ang rasong pinanghahawakan mo o payak at pang grade 1 lang ang katwiran mo dahil hindi mo inaakalang may mas hihigit na katunggali?

mag kakaiba tayo ng antas ng pang uunawa. kung hindi mo makita ang nakakubling imahe sa isang larawan wag mong pagpilitan at literalin ang kung ano lang kaya ng mata mo. hindi por que yan lang ang sinakop ng diwa mo ay hanggang diyan lang ang tama. maraming angulo ang maaring hindi mo nakikita at kung may mag turo man sa iyo ng ibang panulukan, magpasalamat ka dahil pinalalawak nya ang isipan mo para mas higitan pa at matunghayan mo ang iba pang kulay ng larawan.

walang masama sa pagsang-ayon. hindi ito tuwirang pag papakita ng kahinaan. sa aking palagay, pag papakita ito ng tapang na tumanggap ng maaring mali ka o tama ka rin pero may tama rin sila at may bagong kang napag-alaman.

pero kung gusto mong tanggapin na hanggang diyan ka na lang at ang 10 ay hindi pwedeng 6 + 4 at tanging 5 + 5 lang ang tamang tumbasan at gusto mong magmatigas… edi sige! buhay mo yan e!

Advertisements